Huwag matutulog nang gutom. Iyan ang naging bilin sa akin palagi ng aking lola. Hanggang sa kanyang huling sandali, iyan ang ibinulong niya sa akin. Eh paano 'yung mga taong walang pambili ng pagkain? Di ba itinutulog na lang nila ang gutom?, tinanong ko sa kanya minsan. Ibang kaso iyon, sagot niya. Basta huwag kang matutulog nang gutom kung ayaw mong magaya sa Lolo Pepito mo.
Si Lolo Pepito ay tiyuhin ng lola ko. Hindi na namin siya inabutan ng mga kapatid ko pero parang kilalang-kilala namin siya. Kilala din ang pangalan niya sa buong probinsya namin, hindi lang dahil sa yaman at lawak ng lupain niya, kundi dahil din sa kanyang misteryosong pagkamatay.
Paano nga ba namatay si Lolo Pepito? Paanong namatay sa gutom ang isang napakayamang tao? Ito ang naging kuwento sa akin ni Nanang Juana, ang kasalukuyang katiwala sa iniwang mansyon ni Lolo Pepito:
Kakaiba ang gabi nang mamatay si Senor Pepito. Bata pa ako noon, subalit naaalala ko pa rin ang lamig ng ihip ng hangin at ang pinta ng langit. Dalawa ang buwan ng gabing iyon. Mataas ang tubig at malakas ang alon sa dagat. Maagang umuwi at nagsarado ng mga tahanan ang mga tao. Lalong nabalot sa mangha ang buong bayan nang basagin ang katahimikan ng gabi ng tilaok ng mga manok.
Kami din dito sa mansyon ay nagsarado agad ng mga pintuan at mga bintana. Dumiretso ang iyong lolo sa kanyang silid pagdating ng bahay matapos umikot sa kanyang lupain. Wala ang ibang miyembro ng pamilya - bumisita sila sa kabilang bayan. Kinatok siya ng nanay ko upang maghapunan, subalit nalaman niya na may ibang hiwaga ang gabing iyon kaya ipinasya na lang niyang matulog na. Pagsikat ng araw kinabukasan, kinatok muli siya ng nanay upang mag-almusal. Hindi siya sumagot. Kinabahan ang nanay kaya ipinakuha sa akin ang susi upang mabuksan ang silid ni Senor Pepito. Nang makapasok kami ay natagpuan namin siyang wala nang buhay.
Nahiwagaan kami sa naging pagkamatay ni Senor Pepito. Wala siya ni minsan mang inindang sakit at di rin siya katandaan. Nagpasya ang pamilya na kumunsulta kay Apo Cito. Sinundo namin si Apo Cito at dinala siya sa mansyon. Pagdating sa mansyon, hiniling niyang dalhin siya sa lugar kung saan natagpuan ang katawan ni Senor Pepito. Paghatid namin sa kanya sa silid, pinakiramdaman niya ang paligid at naglakad dahan-dahan na tila may sinusundang bakas sa sahig mula sa silid hanggang sa kusina. Pagdating sa kusina, hinipo ni Apo Cito ang isang kaldero, nagbuntung-hininga at ipinaliwanag kung paano namatay si Senor Pepito:
Nang dahil sa takot, natulog nang gutom si Pepito. Bagaman hindi gumising at bumangon ang kanyang katawan upang makakain ay bumangon naman ang kanyang diwa upang maghanap ng makakain. Pagbaba niya sa kusina ay binuksan niya ang takip ng kalderong ito upang silipin kung ano ang makakain. Dahil sa hiwaga ng gabing iyon, ang diwa ni Pepito ay hinigop ng kaldero at nakulong sa loob nang bumagsak pabalik sa ibabaw ng kaldero ang takip nito. Sinundo ang kanyang diwa ng hangin ng gabi at ihinatid sa mga buwan. Binawi ng gabi ang kanyang hininga.
Iyon ang naging dahilan ng kamatayan ng iyong Lolo Pepito.
Nang malaman ko ito, naintindihan ko na kung bakit mariin ang naging bilin sa akin ni lola na huwag matutulog nang gutom.
Matutulog ka na ba? Siguraduhing hindi ka gutom.
(Retold by anakngfaraon)
No comments:
Post a Comment